Umento sa arawang sahod sa Central Luzon, epektibo simula ngayong April 16
Epektibo simula ngayong Miyerkules Santo, April 16, ang second tranche ng bagong daily minimum wage sa mga pribadong establisyimento sa buong Central Luzon, ayon sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) – Central Luzon.
Tataas nang ₱50.00 hanggang ₱66.00 ang arawang kita ng mga manggagawa sa rehiyon, alinsunod sa Wage Order No. RBIII-25 ng RTWPB.
Bunsod nito, magiging ₱550 na ang arawang sahod ng mga nagtatrabaho sa non-agricultural establishments sa lahat ng probinsya sa Region 3 maliban sa Aurora, mula sa ₱525 na itinakda noong unang tranche.


Habang mula ₱495, magiging ₱520 na ang sahod sa agricultural establishments, at aakyat naman sa ₱540 ang dating ₱515 na kita ng mga nasa retail/service establishments.
Sa lalawigan ng Aurora, nasa ₱500 ang bagong daily minimum wage ng mga nasa non-agricultural establishments, mula sa dating ₱475 noong first tranche; ₱485 sa mga nagtatrabaho sa agricultural establishments na dating ₱460, at ₱435 naman sa mga retail/service na noon ay nasa ₱420 lamang. #