Umano’y panghihimasok ng China sa halalan sa Pilipinas, pinaiimbestigahan ng Palasyo
By Nicodemy Yumul, CLTV36 News intern
Ipinag-utos ng Malacañang ang masusi at agarang imbestigasyon sa umano’y ginagawang panghihimasok ng China sa nalalapit na Midterm Elections sa bansa sa May 12, 2025.
Sa isang press briefing ngayong Biyernes, April 25, inihayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang pagkabahala ng Palasyo sa natanggap na report.
Ito ay matapos isiwalat ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya, sa isang pagdinig ng Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones nitong Huwebes, April 24, na may aktibong panghihimasok ang mga Chinese state-sponsored actors sa Pilipinas kaugnay sa halalan sa Pilipinas.
“Ito po ay talagang nakakaalarma,” ani Castro, at kinumpirma niyang naiparating na ang ulat kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr..
Dahil dito, iginiit ni Castro na kinakailangan ang agarang aksyon para rito upang matukoy ang saklaw at detalye ng umano’y foreign interference. Aniya, makikipag-ugnayan ang Palasyo sa NSC upang higit pang maunawaan ang posibleng pakay ng China.
Patuloy namang tiniyak ng Palasyo na nakabantay ang mga ahensya ng pamahalaan upang mapanatili ang integridad at kalinisan ng halalan, at maprotektahan ang soberanya ng bansa. #