Umano’y paghahari-harian ng convoy ni Bulacan Gov. Fernando sa NLEX, iniimbestigahan ng DILG
Umani ng atensyon ang umano’y asal sa kalsada ng convoy ni Bulacan Governor Daniel Fernando matapos ihayag ni DILG Sec. Jonvic Remulla na nakatanggap siya ng iba’t ibang ulat hinggil sa umano’y paghahari-harian nito sa North Luzon Expressway (NLEX).
Ayon kay Remulla, may mga reklamo na sinasakop ng convoy ng gobernador ang ilang lane sa expressway at hindi pinapayagang maka-overtake ang ibang sasakyan. Aniya, mali ito at dapat matigil dahil kailangang igalang ang karapatan ng ibang motorista sa kalsada.
Sinabi rin ng kalihim na may mga natatanggap silang ulat na iniuugnay sa road rage ang naturang convoy, na karaniwang binubuo umano ng apat na sasakyan kabilang ang dalawang van at isang SUV na sinasakyan ng civilian security aides ng opisyal.
Iniuugnay rin umano ang mga ulat sa isang hiwalay na insidente sa NLEX nitong Sabado, February 21, kung saan napaulat na na-harass ang anak ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.. Nauna naman nang itinanggi ng Malacañang ang nasabing pangyayari.
Hindi rin kinumpirma ni Remulla ang detalye ng naturang insidente ngunit sinabi niyang kinausap niya si Fernando upang linawin ang mga ulat at hiningan ito ng kooperasyon para sa beripikasyon ng mga sasakyan at baril na ginagamit ng kanyang security team.
Matapos ang isinagawang pagsusuri ng Police Regional Office Region 3 (PRO-III), ibinalik din umano ang mga isinurender na sasakyan at baril.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag si Fernando kaugnay ng isyu. #
