Umano’y pag-abuso sa letter of authority ng BIR, pinaiimbestigahan sa Senado
Pinaiimbestigahan ni Sen. Erwin Tulfo ang umano’y maling paggamit at pag-abuso sa Letters of Authority (LOA) ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Kasunod ito ng mga reklamo mula sa mga negosyo na ginagamit umano ito sa panggigipit at pangingikil.
Sa kanyang inihain na Senate Resolution No. 180, iginiit ni Tulfo na dumarami ang ulat ukol sa sobra-sobra at hindi regular na paglalabas ng LOA.



Nakasaad din sa resolusyon ang umano’y manipulasyon sa assessment kapalit ng hindi opisyal na “settlement,” na nagdudulot ng pangamba sa foreign at local businesses.
May mga reklamong pinipilit pa umanong magpalsipika ng resibo o magbayad ng “discounted” na halaga na hindi dumadaan sa tamang proseso.
Giit ni Tulfo, nagagamit umano ng ilang tauhan ng BIR ang LOA para sa mga gawaing hindi naaayon sa batas at integridad ng serbisyo publiko.
Una nang tinukoy ng Senador na 2nd most corrupt agency ang BIR, kasunod ng Department of Public Works and Highways, dahil sa isyu umano ng “money-making scheme.”
Kaugnay naman nito, sinuspinde na ng Department of Finance ang lahat ng field audits at mga related operations ng BIR. #
