Truckers at Haulers ng Pampanga binarikadahan ang NLEX
NAABALA SA MATINDING TRAFFIC SA NLEX
Isa ka ba sa mga nabulilyaso ang lakad dahil sa matinding trapiko na dinulot ng pagbarikada ng ilang mga 12 wheeler dump truck sa exit at entry point ng North Luzon Expressway nitong umaga ng Sabado (Nov 7, 2020)?
Umabot sa higit tatlumpung minutong (30 mins.) na walang galawan ito, dahil ang mga dambuhalan truck ibinalagbag sa nguso ng Toll Gate.
Ang siste, ang mga tagpong ito ay hindi lamang sa City of San Fernando Exit sa Pampanga kundi sa lahat ng entry at exit point ng teritoryo ng lalawigan.
ANONG KAKAIBA SA PROTESTA NG MGA TRUCKERS NG PAMPANGA?
Bulagaan ang nangyari sa mga motorista at isa ito sa mga kilos protesta na ang mga Pulis hindi kasing bangis tulad ng pagharap nila sa mga tipikal na raliyista.
Tanong ninyong kung bakit? Si Pampanga Governor Dennis Delta Pineda akalain ninyong kaagad na natiktikan ang kilos ng mga samahan ng truckers at haulers sa lalawigan.
At ang kwento, ni Gov. Pineda ang sumbong ng kanyang mga Cabalen na truckers dehado na raw ang kanilang Industriya sa hindi pagpapahintulot ng pamunuan ng NLEX Corporation para papasukin ang mga 12 wheeler Dump Truck.
Dalawang (2,000) libong driver anya ang apektado dahil sa ginigipit sila sa teknikalidad ng batas ng Anti Overloading Law na pinatutupad ng NLEX. Ang commitment ni Pineda ay ang suporta ng Pamahalaang Panlalawigan sa legal na hakbang laban sa NLEX Coporation.
PUNO’T DULO NG PROTESTA NG MGA TRUCKERS NG PAMPANGA
Sa pag-usisa ng CLTV News, sinabi ni Engr. Lennard “Bong” Lansang, Presidente ng Porac Truckers and Haulers Association na bago pa sila nagprotesta ay may naka-schedule silang meeting sa pamunuan ng NLEX Corporation.
“No Show” at walang paramdam umano ang NLEX dahil nauna na dito napagkaisahan ang pagbalangkas ng MOA o Memorandum of Agreement para maselyuhan at ilagay sa legal ang kasunduan na pagputol sa dump box ng mga 12 wheeler Truck ng mga miyembro ng PTHA.
Halos isang buwan bago ang pagkilos protesta ng PTHA narito ang liham ni NLEX Corporation President Luigi Bautista kay Engr. Lennard Lansang.
Sinasabi ni GM Bautista nabigo ang PTHA na tumalima sa 13.5 tons per axle na hinihingi ng batas na akmang bigat ng 12 Wheeler Dump Truck at sa GVW Gross Vehicle Weight nito na 40.6 tons sa pagkarga ng 25 cubic meters na buhangin.
Ang resulta 57.1 tons at 19.3 per axle ang lumabas na timbang sa kahit na anong paraan ng pagload ng tuyong buhangin sa truck.
Dito mapapansin din na hinimok ni GM Bautista na tumalima ang mga truckers ng Pampanga sa pagputol ng extended siding ng kanilang truck.
Tumalima naman umano ang mga truckers at haulers ng Pampanga, ngunit sa aktual na pagbalangkas ng MOA dito na nagka-aberya, dahil hindi naging committed ang mga ito sa napagkasunduang pagpupulong.
Dahil dito tinangka ng mga truckers at haulers na ipakita ang kanilang pwersa. Alas sais 6AM pa lamang ay nagtipon-tipon na ang mga ito at binarikadan ang entry at exit point ng NLEX sa Pampanga area.
ANO MERON SA 12 WHEELER DUMP TRUCK NG PAMPANGA?
Ayon kay Engr. Lansang higit 6 na taon na itong available sa market ang modified truck at modelo sa paghango ng vibro o buhangin.
Higit itong malaki sa traditional na dump truck noong araw at ngayon ay nasa 1,000 umano ang operational.
Naglalaro ito sa halagang P4,000,000 na mula China ang dump box nito ay higit na makapal ang bakal.
Realidad na ang GVW o Gross Vehicle Weight sakaling kargahan ng buhangin ay maaaring lumampas sa GVW na itinatakda ng batas.
Ayon kay LTO Region 3 Director Eduardo De Guzman, maaaring i-apela ang batas sa implementasyon ng Anti Overloading Law dahil sa modernong mga truck na tumatakbo ngayon sa Pilipinas.
WEIGHING METHOD SA 12 WHEELER DUMP TRUCK
Sa panig ng mga truckers ng Pampanga, kailangang baguhin ang batas sa sistema ng pagsukat ng timbang.
Ang kada axle umano ay maihahambing sa pagsukat sa timbang ng tao na itinukod lamang ang isang paa sa weighing device.
NLEX CORPORATION HINDI NATINAG SA PROTESTA
Iginiit ni Atty Romulo Quimbo Jr. Chief ng Communication Department ng MPTC Metro Pacific Tollway Corporation na hindi pa rin nila pahihintulutan na makapasok sa NLEX mula Sta Ines hanggang San Simon ang 12 wheeler truck ng Pampanga dahil sa isyu ng overloading.
Bukod umano doon ang inaagapan din nilang hindi makapasok ang mga truck sa ginagawang rehabilitasyon sa Candaba Viaduct.
May nakatakdang muling dialogo ang NLEX Corporation sa Porac Truckers and Haulers Association ngayong Nov 11, 2020. Sa pagkakataon umanong ito kasama na nila ang DOTr, LTO, at ang Pamahalaang Probinsya ng Pampanga.