Transition of power sa mga LGU, mahigpit na babantayan ng kapulisan
Tiniyak ng Police Regional Office 3 (PRO 3) na tuloy ang kanilang pagbabantay sa buong rehiyon bagama’t natapos na ang botohan at maging ang bilangan ng boto sa maraming mga bayan.
Sa press briefing ng Kapulisan nitong Martes, May 13, sinabi ni PBGen. Jean Fajardo, director ng PRO 3, na mananatiling nakaalerto ang kanilang hanay para tiyakin ang mapayapang transition of power sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa Central Luzon.
Nakatakdang maupo sa pwesto o magsimula ng bagong termino ang mga nananalo sa katatapos lamang ng National and Local Elections (NLE) 2025 sa June 30 ngayong taon.
Kaugnay nito, tiniyak ni Fajardo na ibibigay ng Pulis Central Luzon ang kanilang buong paggalang sa mandato ng mga bagong mamumuno. Samantala, isa sa pinakamapayapang rehiyon ngayong eleksyon ang Gitnang Luzon, ayon pa sa PNP.
Liban sa isang insidente ng pagpapaputok ng baril sa San Rafael, Bulacan, maituturing naman anilang “generally peaceful” ang isinagawang halalan. #
