Tracker teams, itinalaga para hanapin si Sarah Discaya
Nagpakalat na ang Philippine National Police (PNP) ng mga intelligence at tracker teams upang hanapin si Sarah Discaya — ang kontratistang pinaghahahanap kaugnay ng umano’y pekeng flood control project sa Davao Occidental.
Ayon sa PNP, sapat na puwersa ang nakatalaga para hanapin si Discaya at iba pang respondent sa kaso. Kinalap na rin ng mga operatiba ang impormasyon hinggil sa posibleng pinagtataguan ng mga suspek upang agad na maipatupad ang arrest warrant.
Inatasan umano ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang Department of the Interior and Local Government at PNP na unahin ang paghuli sa mga nasasangkot.
Pinalawak din ang koordinasyon ng PNP sa iba pang ahensya tulad ng National Bureau of Investigation, Bureau of Immigration, Philippine Coast Guard, at mga airport authorities upang masigurong hindi makalabas ng bansa ang mga suspek.
Kabilang sa iba pang respondent sa kaso sina Ma. Roma Angeline Remando, ilang kinatawan ng St. Timothy Construction Corp., at ilang kawani ng Department of Public Works and Highways.
Hinimok ng PNP ang publiko, lalo na ang mga may direktang kaalaman, na makipag-ugnayan sa otoridad upang mapabilis ang operasyon. #
