Top 4 finish, target ng Pilipinas sa 2025 SEA Games

Tiwala si Philippine Sports Commission Chairman Patrick Gregorio na kaya ng bansa na makapasok sa top four ng medal tally sa 2025 Southeast Asian Games.
Mas mataas ito kaysa sa ikalimang puwesto na naabot ng Pilipinas noong 2023 sa Cambodia kung saan 33 gold ang nakuha ng bansa.
Ayon kay Gregorio, mas mahalaga ang pag-angat sa kabuuang ranking kaysa sa pagtutok lamang sa target na numero ng medalya. Aniya, nakabase pa rin ang resulta sa magiging performance ng ibang bansa kaya mas mahalagang bantayan ang overall placement.
Binigyang-diin din niya na mahalagang bahagi ng delegasyon ang mga batang atleta na posibleng maging haligi ng bansa sa mga susunod pang international competitions.
Dagdag pa ni Gregorio, ang paghahanda para sa SEA Games ay dapat tingnan bilang stepping stone patungo sa Asian Games at maging sa 2028 Los Angeles Olympics, kaya kinakailangan aniyang palawakin ang perspektibo sa pagbuo ng national team.
Inaasahang magiging makulay ang opening ceremony ngayong Martes, December 9, kung saan magsusuot ang Philippine team ng unipormeng gawa ng designer na si Avel Bacudio.
Samantala, ilang top athletes kabilang si pole vaulter EJ Obiena at iba pang miyembro ng athletics team ang hindi makakasama sa opening parade. Ito ay dahil sa mahigpit na seguridad para sa pagdalo ng Hari ng Thailand, batay sa abiso ng Philippine Olympic Committee. #
