Top 2 Most Wanted at 7 suspek, naaresto sa mga operasyon ng pulis sa Pampanga
Arestado ang walong indibidwal sa magkakasunod na operasyon ng Pampanga Police Provincial Office (PPO) sa buong probinsya nitong Martes, November 5.
Kabilang dito ang Top 2 Provincial Most Wanted Person sa Macabebe na nahuli sa bisa ng isang no-bail warrant dahil sa paglabag sa firearms regulation.
Sa serye ng anti-illegal drug operations, nadakip rin ng mga pulis ang tatlong indibidwal sa Arayat at Mexico. Nakumpiska sa kanila ang nasa 1.28 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit ₱8,000. Nahaharap sila ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Bukod dito, isang search warrant operation naman ang isinagawa sa Magalang na nagresulta sa pagkakaaresto ng isa pang suspek at nakumpiska rito ang mga armas at bala.
Habang sa iba pang operasyon, arestado rin ang tatlong wanted persons sa Lubao, Mabalacat City, at Bacolor at nahaharap sa mga kasong grave threats at paglabag sa Revised Penal Code at Republic Act 9262 o Anti-Violence against Women and their Children Act of 2004. Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulis ang mga suspek upang sumailalim sa karampatang proseso.