Text messages na may kasamang links, ipinagbabawal na ng NTC
Muling nagpaalala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa publiko laban sa mga kumakalat na scam text messages na naglalaman ng mapanlinlang na links na layong nakawin ang personal at financial information ng mga tao.
Ayon kay CICC Usec. Aboy Paraiso, ipinagbabawal na ng National Telecommunications Commission (NTC) ang pagpapadala ng text messages na may kasamang links.
Ito ay upang maiwasan aniya ang pag-redirect sa mga pekeng website na ginagaya ang mga bangko at e-wallet services gaya ng GCash at Maya.
Paliwanag ng opisyal, ginagamit ng mga scammer ang pangalan ng mga kilalang kumpanya upang magmukhang lehitimo ang kanilang mensahe.
Pinapayuhan ng CICC ang publiko na huwag kailanman mag-click ng anumang link na natatanggap mula sa mga kahina-hinalang sender. Sa halip, dapat tiyaking beripikado ang mensahe sa pamamagitan ng official website o customer service hotline ng isang kumpanya.
Hinikayat din ng ahensya ang agarang pag-uulat ng mga scam text sa kanilang 24/7 Inter-Agency Response Center hotline na 1-3-2-6 o sa email na report@cicc.gov.ph upang agad na maaksyunan at maiwasan ang pagdami pa ng mabibiktima. #
