TESDA at DepEd, nagsanib-pwersa para sa mas mabilis na serbisyo sa SHS-TVL students

Isang data sharing agreement ang nilagdaan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Education (DepEd).
Ito ay upang mas mapadali ang data processing ng mga Senior High School Technical-Vocational-Livelihood o TVL track students at graduates.
Layon ng kasunduan na i-integrate ang Learners Information System o LIS ng DepEd at Assessment Schedule Information System ng TESDA para sa mas maayos na verification ng mga estudyante.

Sa ganitong paraan, maiiwasan umano ang identity mismatch at duplication ng mga datos.
Ayon kay Janet Abasolo, executive director ng TESDA Certification Office, malaking tulong ito para hindi na maantala ang competency assessment process ng mga aplikante.
Nakasaad sa kasunduan na mahigpit itong sumusunod sa Data Privacy Act. Mayroon ding mga itinalagang data protection officers mula sa parehong ahensya para sa encryption, multi-factor authentication, at breach notification protocols para sa seguridad ng impormasyon.
Pinangunahan nina TESDA Secretary Francisco Benitez at Education Secretary Sonny Angara ang pagpirma ng kasunduan noong August 14 sa Taguig City. #
