Team PH sa 33rd SEA Games, top sports achiever ng Philippine Sportswriters Association

Itinanghal bilang isa sa December 2025 Monthly Achievers ng Philippine Sportswriters Association ang Team Philippines kasunod ng kanilang makabuluhang kampanya sa 33rd Southeast Asian Games sa Thailand.
Bagama’t nagtapos sa ikaanim na puwesto sa overall medal tally, nag-iwan ng marka ang delegasyong Pilipino matapos mag-uwi ng 50 gintong medalya, kalakip ang 73 pilak at 154 na tanso.
Namukod-tangi ang Filipino-Canadian swimmer at kabalen na si Kayla Noelle Sanchez, na agad sumiklab sa kanyang SEA Games debut sa walong medalya.
Nasungkit naman ng Pinay tennis star na si Alex Eala ang ikatlong ginto ng bansa sa kanyang laro na huling napanalunan ng isang Filipina noon pang 1999.
Habang ipinagpatuloy naman ni EJ Obiena ang kanyang dominasyon sa men’s pole vault sa ikaapat na sunod na gintong panalo ng bansa.
Nagbigay rin ng liwanag sa future ng sports ang 16-anyos na si Naomi Cesar sa athletics, kasabay ng natatanging ambag ng shooting, swimming, at iba pang sports na naghatid ng sunod-sunod na tagumpay.
Sa team sports naman, nanatiling kampeon ang Gilas Pilipinas men at women sa 5-on-5 basketball, habang inangkin ng Pilipinas ang men’s baseball at women’s softball titles.
At sa mga makasaysayang sandali, binasag ng Filipinas sa women’s football at ng Alas Pilipinas sa women’s beach volleyball ang matagal na dominasyon ng Thailand.
Ang Philippine Sportswriters Association ang pinakamatandang media organization sa buong Pilipinas, kung saan kasapi rito ang iba’t ibang sports editors at sportswriters mula sa mga nangungunang pahayagan sa bansa.
Patunay ang karangalang ito na higit pa sa medalya ang iniwan ng Team Philippines sa SEA Games, kundi isang simbolo ng patuloy na pag-usbong ng atletang Pilipino sa international stage. #
