Tax compliance ng mga contractor na sangkot sa anomalya sa flood control projects, sisilipin ng BIR
Inatasan ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui, Jr. ang lahat ng tanggapan ng ahensya na magsagawa ng parallel audit laban sa mga contractor na sangkot sa maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Lumagui, susuriin ng BIR kung tama ang pagbabayad ng buwis ng mga nasabing contractor.
Kapag napatunayang may kulang o hindi wastong pagbabayad ng buwis, hindi umano sila bibigyan ng updated tax clearance, na requirement para makumpleto ang kanilang mga kontrata sa gobyerno.
Ipinaliwanag ng BIR na nakasaad sa Revenue Regulation No. 17-2024 na obligadong kumuha ng updated tax clearance ang lahat ng government contractors bago bayaran ang kanilang proyekto.

Kung wala nito, automatic na masususpinde ang final settlement at mailalagay sa tax lien ang halaga ng kontrata.
Kasabay nito, binalaan din ng BIR ang mga contractor na sangkot sa tinatawag na “ghost projects”. Kapag nakumpirma umanong hindi talaga naisakatuparan ang proyekto, agad na maglalabas ng deficiency tax assessment laban sa kanila.
Giit ni Lumagui, hindi katanggap-tanggap na kumikita ang ilang kumpanya mula sa buwis ng taumbayan nang hindi nagbabayad ng tamang buwis. #
