Tarlac State U, target gawing deaf-ready ang unibersidad
Makikipagtulungan ang Tarlac State University (TSU) sa non-government group na Kakamay Movement Organization upang gawing deaf-ready ang kanilang pamantasan at mas mapalaganap ang Filipino Sign Language (FSL) sa campus.

Layunin ng partnership na mapabuti ang suporta sa mga estudyanteng may kapansanan sa pandinig at mas mapaigting ang inclusivity sa akademya.
Sa ilalim ng kasunduan, magbibigay ang Kakamay Movement ng libreng FSL training, workshops, at awareness programs para sa mga guro, kawani, at estudyante ng unibersidad.
Ayon sa pamunuan ng TSU, nakatuon ang inisyatiba sa pagbubukas ng mas maraming oportunidad para sa mga estudyante at stakeholder, habang isinusulong ang inclusivity, innovation, at social responsibility.
Sinabi naman ng Kakamay Movement na layunin ng kooperasyon na gawing deaf-inclusive ang mga silid-aralan at iba pang bahagi ng unibersidad.
Pag-aaralan din ang posibilidad na mag-alok ng mga kurso sa deaf education sa hinaharap. Sa pamamagitan ng naturang partnership, mas marami pang institusyon sa bansa ang inaasahang magpapakita at mag-aalok ng suporta sa mga nasa deaf community. #
