Tarlac City Mayor Susan Yap-Sulit, disqualified sa posisyon: Comelec
By Acel Fernando, CLTV36 News

Binawi ng Commission on Elections (Comelec) en banc ang proklamasyon ni Tarlac City Mayor Susan Areno Yap-Sulit matapos ideklarang hindi siya kwalipikado sa posisyong napanalunan sa May 2025 elections.
Batay sa desisyong inilabas ng Comelec nitong Miyerkules, October 22, nabigong patunayan ni Yap-Sulit na siya ay tunay na residente ng Barangay Tibag, Tarlac City, na isa sa mga pangunahing rekisito para sa mga kandidato sa pagka-alkalde.
Ang desisyon ay bunga ng reklamong inihain nina Amado De Leon at Jay-Ar Capulong Navarro, na iginiit na hindi natugunan ni Yap-Sulit ang isang taong residency requirement bago ang halalan.
Binaligtad ng en banc ang naunang pasya ng Comelec Second Division na ibinasura ang reklamo dahil umano sa kakulangan ng ebidensya.
Ayon sa komisyon, mahalagang masiguro na ang lahat ng opisyal na inihahalal ay tumatalima sa mga itinatakdang kwalipikasyon ng batas.
Sa pahayag ni Yap-Sulit nitong Huwebes, sinabi niyang ang naturang isyu ay isang lumang kaso na umano’y naresolba na ng Comelec noong April 2025, bago pa man ang halalan.

Dagdag pa niya, wala pa silang natatanggap na opisyal na kopya ng bagong desisyon, ngunit tiniyak niyang gagamitin nila ang lahat ng legal na hakbang para ipagtanggol ang kanilang panig.
Giit pa ni Yap-Sulit, mananatili ang kanyang dedikasyon sa paglilingkod sa mga mamamayan ng Tarlac City habang umuusad ang kanilang appeal. #
