“Tara Basa! Tutoring Program” ng Malolos CSWDO, pinarangalan ng DSWD
By Karylle Garcia, CLTV36 News intern
Ipinagkaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang isang parangal sa Malolos City Social Welfare and Development Office (CSWDO) bilang pagkilala sa matagumpay nilang pagpapatupad ng “Tara Basa! Tutoring Program” sa Malolos, Bulacan.

Layunin ng programa na lumikha ng mas makabuluhang learning ecosystem para sa mga batang mag-aaral sa elementarya na nahihirapan o hindi pa marunong magbasa.
Katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos, Bulacan State University (BulSu) at Department of Education (DepEd), nakakatulong rin ang programa sa mga college students na mula sa low-income families at nag-aaral sa mga state universities.

Ang “Tara Basa! Tutoring Program” ay nag-aalok ng pagsasanay sa mga 2nd hanggang 4th year college students upang maging epektibong guro para sa mga Grade 1 at incoming Grade 2 students. Ang mga estudyanteng nagsisilbing tutors ay nakakatanggap ng pinansyal na suporta mula sa programa.
Tinanggap ni Malolos CSWDO head, Lolita P. Santos ang parangal sa idinaos na Pasasalamat Awards 2024 ng DSWD nitong Martes, April 22, sa Laus Group Event Centre, City of San Fernando Pampanga. #