Tagalog word na ‘gigil’, kabilang sa 42 na bagong hiram na salita ng Oxford English Dictionary
By Rhandol Nixon Lapuz, CLTV36 News intern
Naiinis ka ba sa mainit na panahon? O kaya ay hindi mapigilan ang excitement sa tuwing dadaan si crush? Baka ‘gigil’ na ‘yan!
Dinagdag na ng Oxford English Dictionary sa kanilang listahan ng mga ‘lexicalized’ na salita o iyong mga ginagamit ngunit walang direct English translation ang Tagalog word na ‘gigil’ at iba pang hiram na salita mula sa Southeast Asia, South Africa, at Ireland.
Ayon sa Oxford, ginagamit ang ‘gigil’ bilang pangngalan at pandiwa sa iba’t-ibang konteksto. Nangangahulugan ito bilang isang ‘intense feeling’ na dulot ng galit, pagkasabik, o tuwa sa tuwing nakakakita ng isang bagay na ’cute’ at kaaya-aya. Kadalasan, makikita ito sa mga pisikal na kilos tulad ng paglukot sa kamao, pagngitngit ng mga ngipin, o kaya naman ay pagkurot.
Samantala, ginagamit din itong ‘adjective’ kapag tinutukoy ang isang tao na nakadarama ng nasabing emosyon.
Nakahanay na ito sa listahan ng Oxford Dictionary kasama ang iba pang mga Tagalog word tulad ng bakya, Pinoy, sando, kababayan, at iba pa. #