Suspek sa panloloob, patay sa engkuwentro sa off-duty na pulis sa CSFP
By Nicodemy Yumul, CLTV36 News intern
Isang hindi pa nakikilalang lalaki na sangkot sa panloloob ang napatay matapos makipagbarilan sa isang off-duty na pulis sa Malinoville Subdivision, Barangay Malino, City of San Fernando, Pampanga, bandang alas-3:45 ng madaling-araw ngayong Biyernes, April 25.
Batay sa imbestigasyon, pilit umanong pumasok ang suspek sa bahay ni Romnick De Jesus, 36, matapos akyatin ang bakod ng naturang tahanan.
Nasaksihan ng kapitbahay na si Antonio Zabat, 56, ang insidente at agad na humingi ng tulong sa anak niyang si Pat Ray Lemuel Zabat, 29, miyembro ng Philippine National Police (PNP) na off-duty nang mangyari ang krimen.
Naabutan ni Pat Zabat ang suspek habang nagtatangkang tumakas. Ayon sa ulat, bumunot ng baril ang lalaki kaya napilitang gumanti ng putok ang pulis. Dead on the spot ang suspek at na-recover mula sa kanya ang dalawang cellphone.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad upang tukuyin ang pagkakakilanlan ng suspek at kung may iba pa itong kasabwat. #