Suspek sa pagpatay sa negosyanteng si Dominic Sytin noong 2018, hawak na ng PNP
Nasa kustodiya na ng Philippine National Police (PNP) ang negosyanteng si Alan Dennis Sytin Lim na suspek sa pagpatay sa kanyang kapatid na si Dominic Sytin noong 2018. Ang kanyang pagkakaaresto ay resulta ng koordinasyon ng PNP at Royal Malaysia Police.
Ayon kay PNP Spokesperson at Police Regional Office (PRO) 3 Director PGen. Jean Fajardo, bandang 11:20 PM nitong Sabado, April 11, nang dumating sa NAIA Terminal 3 si Sytin. Pagkababa ng eroplano, kaagad inihain sa kanya ang warrant of arrest na inilabas ng Manila Regional Trial Court (RTC) branch 7 noong September 1, 2020. Walang inirerekomendang piyansa para sa kanyang kaso.

Matatandaang naaresto si Sytin sa Cobra Rugby Club sa Selangor, Malaysia nitong March 22, 2025, dahil sa paglabag sa Section 6(1)(c) ng Immigration Act ng Malaysia dahil wala siyang maipakitang valid travel document.

Bago ito, una nang kinansela ang kanyang Philippine passport noong September 12, 2024 at ipinag-utos ng International Criminal Police Organization (Interpol) ang paglalabas ng “red notice” laban sa kanya noong January 24, 2020.
Ang 51-anyos na si Sytin ang itinuturong mastermind sa pagpaslang sa kanyang kapatid na si Dominic Sytin na founder at CEO ng United Auctioneers Inc.. Nangyari ang insidente sa labas ng isang hotel sa Subic, Zambales noong November 28, 2018. #