Suspek sa pagpatay sa anak ng isang NBI agent, arestado ng NBI-PAMDO
Naaresto ng National Bureau of Investigation – Pampanga District Office (NBI-PAMDO) ang suspek sa pagpatay umano sa anak ng isang NBI agent noong Nobyembre.
Nadakip ng mga otoridad si John Michael Serrano Garcia sa Barangay Mambog, Malolos City, Bulacan nitong Lunes, February 17 matapos ang ilang buwan niyang pagtatago.

Ayon sa pulisya, kinakaharap ni Garcia ang mga kasong murder at attempted murder na inihain ng RTC Branch 78, Baguio City makaraang maakusahan ng pagpatay kay Luke Maraneg.
Batay sa police report, lampas hatinggabi noong November 24, 2024 nang barilin ni Garcia si Maraneg sa Happy Homes, Barangay Ferdinand, Baguio City. Subalit, ayon umano sa mga saksi, isang nagngangalang Gino Manolo Castillo Banta ang talagang target ng suspek na naging kalaguyo ng kanyang girlfriend.
Kasalukuyang naka-detain sa NBI-PAMDO ang suspek habang hinihintay pa ang ilalabas na Commitment Order ng korte. #