Suspek sa pagnanakaw at tangkang pagpatay, huli sa Floridablanca
Timbog sa follow-up operation ng Pampanga Police Provincial Office ang 44-anyos na construction worker na suspek sa pagnanakaw at tangkang pagpatay.
Naaresto ang lalaki sa Sitio Lambingan, Brgy. Dampe, Floridablanca ngayong Biyernes, February 28.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, pumasok ang suspek sa bahay ng mga biktima na si Marivic Emgle Malit, 50-anyos, at anak niyang si Joyce Anne Glee Malit, 20-anyos.
Dumaan umano sa kisame ang lalaki, at tinangay ang isang cellphone at bag na naglalaman ng tinatayang ₱10,000 na bahagi ng koleksyon ng Seventh-Day Adventist Church kung saan tumatayong Treasurer ang matandang biktima.
Sa gitna ng insidente, nagising ang isa sa mga biktima at nagtangkang lumaban, dahilan upang pagsasaksakin siya ng suspek gamit ang isang matulis na gunting.
Agad namang rumesponde ang mga nagpapatrolyang pulis ng Floridablanca Municipal Police Station matapos makatanggap ng ulat mula sa mga biktima at opisyal ng barangay.
Mabilis namang nabawi ang mga ninakaw na gamit mula sa suspek na kasalukuyang nasa kustodiya na ng pulisya habang hinihintay ang inihahandang kaukulang kaso laban sa kanya. #