Suspek sa isang murder case noong 2018, timbog ng pulisya
Sa kamay ng mga otoridad ang bagsak ng isa sa mga suspek sa pamamaslang sa negosyanteng si Dominic Sytin noong November 2018 matapos ang mahigit anim na taong pagtatago.

Nasakote ng Police Regional Office 3 (PRO 3) katuwang ang Iligan City Police Office ang suspek na kinilalang si Edrian T. Rementilla, o Ryan Rementilla/Oliver Fuentes, sa Purok 16, Buhanginan Hills, Pala-o, Iligan City nitong Biyernes, March 21.

Inaresto si Rementilla sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 7 sa Maynila. Walang inirerekomendang piyansa para sa kanyang kaso.
Ayon sa pulisya, matagal nang nagtatago ang naturang suspek at palipat-lipat ng lugar upang maiwasan ang batas. Ngunit dahil sa patuloy na intelligence gathering at maigting na koordinasyon ng mga ahensya ng pulisya, tuluyan na siyang nahuli.
Matapos mahuli, kaagad dinala at inilipat si Rementilla sa PRO 3 para sa iba pang legal proceedings.

Si Dominic Sytin ang founder at chief executive officer ng United Auctioneers Inc. at may-ari ng ACEA Subic Bay Resort. Pinatay siya sa harap ng isang hotel sa Subic Bay Freeport Zone, Olongapo City noong November 28, 2018.
Samantala, patuloy naman na tinitiyak ng mga otoridad ang kanilang dedikasyon sa paghahanap ng mga pugante at pagpapanagot sa mga may sala. #