Sumunod sa intellectual property law sa paggawa ng campaign jingle: Comelec
By Acel Fernando, CLTV36 News
Nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato ng 2025 National and Local Elections na huwag gumamit ng mga kanta bilang campaign jingle nang walang pahintulot mula sa orihinal na may-akda.
Ito ang ipinahayag ni Comelec Chairman George Garcia matapos magreklamo ang bandang Lola Amour na ginagamit ng ilang kandidato ang kanilang kantang ‘Raining in Manila’ sa mga campaign jingle.
Ayon kay Garcia, may kasunduan ang Comelec at Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) para protektahan ang mga musikero. Sinabi rin niyang maaaring maghain ng reklamo ang sinumang artistang apektado, at agad itong aaksyunan.
Pinaalalahanan din niya ang mga kandidato na dapat silang humingi ng permiso sa mga may-ari ng kanta. Dagdag pa niya, hindi lang ito paglabag sa batas ng eleksyon kundi pati na rin sa intellectual property law. #