Subic Freeport, maglulunsad ng electric bus service para sa carbon neutrality

Magsisimula nang gumulong ngayong taon ang mga pure battery electric bus (PBEB) sa Subic Bay Freeport Zone bilang bahagi ng mas malawak na kampanya ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) na maging kauna-unahang carbon-neutral economic zone sa bansa.
Ayon kay SBMA Chairman at Administrator Eduardo Jose Aliño, ang pagbili at pagpapalarga ng electric buses ay bahagi ng “Race to Carbon Neutrality” program ng ahensya. Inilunsad ito upang mapabilis ang pagbawas ng carbon emissions sa Freeport at makaambag sa adbokasiya laban sa climate change.
10 unit ng PBEB ang nai-deliver na sa Freeport noong May 13, 2025. Isa sa mga ito ay isinailalim na sa road test noong May 27 kasama ang ilang miyembro ng SBMA Board. Ani Aliño, komportable at accessible para sa mga Persons with Disabilities (PWDs) ang naturang mga bus.

Kasabay ng implementasyon ng proyekto, magtatayo rin ang SBMA ng mga electric vehicle charging station (EVCS) sa motor pool ng Maintenance and Transportation Department at sa Argonaut Highway — na mula sa Department of Energy (DOE). Bukod pa rito, nakalaan ang ₱10-million para naman sa rehabilitasyon ng mga lumang bus stop at pagtatayo ng 58 bago sa iba’t ibang bahagi ng Freeport.
Sa kabuuan, target ng SBMA na bawasan ng 30% ang carbon emissions sa 2030 at makamit ang net-zero emissions sa 2040. Katuwang sa proyektong ito ang Golden Asia Automotive Builders, Inc. at Chinese manufacturer na Xiamen King Long na kilala sa mahigit tatlong dekadang karanasan sa paggawa ng mga bus. #
