Stroke at heart failure, sanhi ng pagkamatay ni Pope Francis: Vatican
By Mazy A. Conejos, CLTV36 News intern
Stroke, coma, at irreversible cardiovascular collapse daw ang naging sanhi ng pagkamatay ni Pope Francis (Jorge Mario Bergoglio) nitong Lunes, April 21, base sa declaration of the death na inilabas ng Vatican.
Kinumpirma ito ni Professor Andrea Arcangeli ng Directorate of Health and Hygiene ng Vatican City State. Natukoy raw ang dahilan ng pagkamatay ng Santo Papa sa pamamagitan ng electrocardio-anatomical recording.

Matagal na raw pinagdaraanan ni Pope Francis ang mga seryosong karamdaman tulad ng matinding pulmonya, multiple bronchiectasis, altapresyon, at Type II diabetes.
Sa kabila ng mga iniindang health problems, patuloy niyang tinupad ang kanyang bokasyon bilang pinuno ng Simbahang Katolika—mapagpakumbaba, masigasig, at buong pusong naglingkod hanggang sa huling sandali.
Sa kanyang spiritual testament noong June 29, 2022, hiniling ni Pope Francis na mailibing sa isang simpleng libingan sa Basilica ng Santa Maria Maggiore bilang simbolo ng kanyang debosyon sa Mahal na Ina at kababaang-loob. Madalas niya ring dalawin ang naturang lugar bago at pagkatapos ng bawat Apostolic Journey.

Walang marmol. Walang engrandeng palamuti. Isang payak na lapida lamang na may isang salitang nakaukit: Franciscus. Paalala ang lahat ng ito kung paano siya nabuhay—mapagkumbaba, tahimik, at tapat.
Pumanaw si Pope Francis sa edad na 88 sa kanyang tinutuluyang papal apartment sa Casa Santa Marta nitong Lunes, April 21 (7:35 AM). #