State of Calamity, idineklara sa Aurora dahil sa pinsalang iniwan ni Bagyong Uwan

Pumalo na sa 31,000 families o 107,000 residente ang naapektuhan ng pananalasa ni Super Typhoon Uwan sa lalawigan ng Aurora, batay sa pinakahuling datos mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC).
Nasa halos 3,000 naman ang mga bahay na nasira o tuluyang nawasak ng malalakas ng hangin at ulang dala ng bagyo.
Dahil dito, isinailalim ng Pamahalaang Panlalawigan sa state of calamity ang buong probinsya nitong Miyerkules, November 11, bunsod ng matinding pinsalang iniwan ni Uwan sa kabahayan, kabuhayan, at imprastruktura.
Tinatayang umabot sa ₱188 million ang damage sa infrastructure at ₱75 million sa agrikultura, partikular sa mga palaisdaan, palayan, at high-value crops.
Samantala, ₱316 million naman ang iniulat na pinsala sa mga tourism establishment gaya ng mga resort at homestay sa baybayin.
Sa ilalim ng deklarasyon, pinapayagan na ang paggamit ng calamity funds, pagpapatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin, at mabilis na rehabilitation efforts sa mga labis na naapektuhang lugar.
Matatandaang isinailalim sa Signal No. 5 ang ilang lugar sa Aurora sa kasagsagan ng Bagyong Uwan noong November 9. #
