SSS, hinikayat ang mga miyembro na kumuha ng salary at pension loan ngayong may kalamidad
Maaari nang makakuha ng salary at pension loans ang mga miyembro at pensyonado ng Social Security System (SSS).
Kanila itong inanunsyo ngayong Huwebes, October 24 bilang tugon sa pangangailangang pinansyal ng mga miyembro na naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Kristine.
Para sa mga nais mag-avail, narito ang mga kwalipikasyon para makakuha ng one-month salary loan:
- Dapat ikaw ay kasalukuyang miyembro ng SSS;
- Mayroong hindi bababa sa 36 monthly contributions kung saan anim sa mga ito ay naihulog sa loob ng huling labindalawang buwan bago ang aplikasyon;
- Wala pang 65 taong gulang sa oras ng pag-aapply;
- Hindi pa nakatanggap ng anumang final benefit gaya ng total disability, retirement, o death benefits;
- Updated ang kontribusyon ng iyong employer kung ikaw ay employed.
Para naman sa mga gustong mag-avail ng 2-month salary loan, dapat ang miyembro ay mayroong hindi bababa sa 72 posted contributions.
Ang loan ay maaaring bayaran sa loob ng dalawang taon sa pamamagitan ng 24 equal monthly amortizations na may 10% annual interest rate.
Samantala, ang mga retiree-pensioners naman ay maaaring makakuha ng SSS pension loan na katumbas ng 3, 6, 9, o 12 beses ng kanilang Basic Monthly Pension, kasama ang karagdagang ₱1,000, ngunit hindi lalampas sa ₱200,000.
Narito ang mga kondisyon na kinakailangan ng pensioner-borrower upang maging kwalipikado:
- Dapat ikaw ay 85 years of age or below sa pagtatapos ng buwan ng loan repayment term;
- Walang deductions sa iyong monthly pension gaya ng outstanding loan balance, benefit overpayment na kailangang bayaran sa SSS, at iba pa;
- Walang umiiral na advance pension sa ilalim ng SSS Calamity Assistance Package;
- Natanggap na ang regular monthly pension nang hindi bababa sa isang buwan, at ang status ng pensiyon ay “active”;
- Updated ang contact information gaya ng cellular/mobile number, email, at mailing address.
Ang loan amortization, kasama ang 10% annual interest, ay ibabawas mula sa monthly pension na mayroong repayment terms na nasa 6, 12, o 24 months, depende sa halaga ng loan.
Ang salary loan application para sa mga kwalipikadong miyembro ay maaaring isumite online sa pamamagitan ng My.SSS Portal (www.sss.gov.ph). Habang ang pension loan applications naman ay maaari ring gawin online o sa pinakamalapit na SSS branch.
Kapag naaprubahan, ang loan proceeds ay mapupunta sa registered Unified Multi-Purpose Identification (UMID)-ATM Card ng miyembro o sa kanilang active account sa isang Philippine Electronic Fund Transfer System and Operations Network (PESONet)-participating bank. #