Sports na rugby, target paunlarin sa Pilipinas

Planong palakasin ng Philippine Sports Commission (PSC) ang rugby league sa Pilipinas at iba pang bansa sa Asia-Pacific sa pamamagitan ng mas malawak na pakikipag-ugnayan sa mga regional officials.
Kaugnay nito, nakipagpulong si PSC Commissioner-in-Charge Olivia “Bong” Coo kay Asia Pacific Rugby League COO Jeremy Edwards, kasama ang mga lider ng Philippine National Rugby League (PNLR), para talakayin ang mga hakbang sa paglago ng naturang sports sa susunod pang mga taon.
Matatandaang kamakailan nang mag-host ang Pilipinas ng kauna-unahang Rugby League Asian Championship 2025 sa International School Manila.
Tampok dito ang Philippine Tamaraw, Japan RL, Hong Kong Rugby League, at ang nagwaging Singapore Memerang. Ipinakita ng paligsahan ang sigla ng mga manlalaro at lumalaking interes sa sport sa rehiyon.
Ayon sa PNLR, bukod sa paligsahan, layunin ng programa na mas mapalakas ang kakayahan ng mga local coaches and referees upang mas maiangat pa ang antas ng kompetisyon sa bansa at sa buong Asia-Pacific region.
Ipinahayag naman ng International Rugby League ang interes nitong palawakin ang liga at hikayatin ang iba pang bansa na makilahok, bilang bahagi ng patuloy na suporta sa paglago ng rugby bilang sports. #
