South Korean actress Kim Sae-ron, pumanaw sa edad na 24
By Kayla Valencia, CLTV36 News intern
Wala nang buhay nang matagpuan sa kanyang tinitirahang bahay sa Seongdong, Seoul ang South Korean actress na si Kim Sae-ron nitong Linggo, February 16.

Ayon sa pulisya, bibisitahin sana ng kanyang kaibigan ang 24-anyos na aktres, subalit patay na ito nang matagpuan sa loob ng kanyang bahay.
Sa ngayon, wala pang lead ang mga otoridad sa naging dahilan ng pagkamatay ni Kim, ngunit patuloy umano ang kanilang ginagawang imbestigasyon sa ikareresolba ng kaso.
Bumida si Kim sa ilang mga pelikula, gaya ng ‘A Brand New Life’ noong 2009 at ‘The Man From Nowhere’ noong 2010 kung saan siya pinarangalan bilang Best Actress ng ilang award-giving bodies tulad ng Korean Film Awards at Buil Film Awards.
Gayundin, ginampanan din ng aktres ang papel ng isang biktima ng bullying at domestic violence sa pelikulang ‘A Girl at My Door’ noong 2014 kung saan naman siya nagwagi bilang Best Actress sa 35th Blue Dragon Film Awards at Golden Cinematography Awards.
Huling bumida si Kim sa Korean drama series na ‘Bloodhounds’ noong 2023 matapos ang kinasangkutang insidente at maaresto dahil sa pagmamaneho nang lasing noong 2022. #