Source codes na gagamitin sa May 12 Elections, nasa BSP na
Matagumpay na na-deposit ng Commission on Elections (Comelec) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang Final Trusted Build Source Codes para sa 2025 National and Local Elections sa May 12. Alinsunod ito sa Republic Act 8436, na inamyendahan ng RA 9369, o ang Automated Elections System Act.
Pinangunahan ito nina Comelec Chairman George Erwin Garcia at BSP Officer-in-Charge Elmore Capule sa BSP Head Office sa Maynila nitong Lunes, March 24. Dumalo rin sa seremonya ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), National Movement for Free Elections (NAMFREL), at ilang miyembro ng media bilang mga saksi.

Kabilang sa mga naidepositong source codes ang mga sumusunod na sistema ng Automated Elections System (AES):
- Automated Counting Machine (ACM) para sa bilangan ng boto;
- Consolidation and Canvassing System (CCS) para sa pagsasama-sama at pagpoproseso ng resulta;
- Election Management System (EMS) para sa pangkalahatang pamamahala ng eleksyon;
- Secure Electronic Transmission System (SETS) para sa ligtas na pagpapadala ng resulta; at
- Online Voting and Counting System (OVCS) para sa online na pagboto at pagbibilang.
Bago ito, isang Escrow agreement muna ang nilagdaan ng mga opisyal ng Comelec at BSP. Layunin ng pinirmahang kasunduan ang isang ligtas na pangangalaga ng naturang source codes.
Ayon sa Komisyon, ang source codes na ito ay dumaan sa Full Final Trusted Build International Certification at Local Source Code Review upang matiyak ang kaayusan, kredibilidad, at transparency ng eleksyon.

Patuloy rin umanong nakatabi sa BSP vaults ang source codes mula sa mga nagdaang halalan noong 2010, 2013, 2016, 2019, at 2022 bilang bahagi ng seguridad sa proseso ng botohan. #