Sonia P. Soto’s Speech on CLTV’s 14th Anniversary | FULL TRANSCRIPT
CLTV President and General Manager Sonia P. Soto recorded the following message on the occasion of CLTV’s 14th Anniversary, broadcast after the livestream of the Thanksgiving Mass via CLTV’s Facebook account last May 12, 2021.
Magandang araw po sa inyo.
Ika-labing apat na anibersaryo na po ng CLTV ngayong Mayo at marami po sa inyo ang bumabati sa aming himpilan. Maraming maraming salamat po. Maraming salamat, hindi niyo kami iniwanan.
Mula sa unang taon namin sa ere noong 2007 hanggang ngayong ika-labing apat na taon ng CLTV ngayong 2021, nandyan pa rin kayo. Ipinagdiriwang natin ang ika-labing apat na anibersaryo ng CLTV na tigib ng pag-asa sa kabila ng pandemya. Mula nung isang taon, hanggang ngayon, hindi kami tumigil sa paghahatid ng totoo, wasto at mapagkakatiwalaang balita’t impormasyon.
Alam namin kung gaano ito kahalaga sa inyo. Alam namin kung gaano ninyo inaasam-asam at inaabangan ang mga balita tungkol sa ating probinsya, tungkol sa ating mga bayan, tungkol sa ating rehiyon sapagkat napaka-delikado nga naman ng panahon. Nang dahil sa COVID-19 bumilis naman din ang paggamit natin ng modernong paraan ng pagbo-broadcast. Digital na ang pagbabalita. Hindi niyo na lang kami napapanood sa TV, nasa social media na rin kami. Alam namin, nakatutok kayo sa TV, nanunuod kayo ng Facebook, nasa YouTube, maraming pinagkukunan ng balita’t impormasyon at isa sa pinili ninyo ang CLTV kanya nagpapasalamat kami sa inyong pagtangkilik.
Makakaasa po kayo na patuloy kaming maghahatid ng makabuluhang paglilingkod sa pamamagitan po ng aming mga de-kalidad na programa na maaari ninyong mapanood kung kailan niyo gusto, kung san niyo gusto. Kahit saan, anumang oras.
Muli, maraming salamat po sa inyong pagtangkilik at sa inyong pagbati sa aming ika-labing apat na anibersaryo.