SK councilor, timbog sa buy-bust operation sa Nueva Ecija
Arestado ang isang barangay youth official sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa Talavera, Nueva Ecija gabi nitong March 19.
Ang suspek, isang 22-anyos na Sangguniang Kabataan (SK) councilor at residente ng Brgy. Dinarayat.

Ayon sa Talavera Municipal Police Station, nahuli ang salarin matapos magbenta ng hinihinalang shabu sa isang police poseur-buyer sa Brgy. Calipahan.
Nasamsam sa operasyon ang apat na sachet ng umano’y droga na may tinatayang timbang na isang gramo at halagang nasa ₱6,800, kabilang ang marked money.
Isinagawa ang buy-bust operation sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at alinsunod sa mga itinakdang proseso sa ilalim ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 & 11 ng nasabing batas. #
