Siphoning operations sa lumubog na MTKR Terranova, natapos na: PCG
By Yves Matthew Magtoto, CLTV36 News intern
Opisyal nang natapos ng Philippine Coast Guard (PCG) ang siphoning operations ng langis at mga solid oily waste mula sa lumubog na MTKR Terranova sa Limay, Bataan noong kasagsagan ng Super Typhoon Carina.
Nanguna din sila sa huling inspeksyon nitong September 12 sa ground zero ng lumubog na barko. Pinamunuan ni Marine Environmental Protection Command (MEPCOM) Commander, Vice Admiral Roy Echeverria PCG ang nasabing aktibidad.
Inulat naman ng kinontratang salvor na Harbor Star na kanilang na-recover ang 1,415,954 liters ng langis at karagdagang 17,725 kilos ng solid oily waste na parte ng variance volume na bumubuo sa 97.43% ng recovery rate.
“The remaining 37,867 liters, accounting for 2.57% of the total oil cargo, were lost due to various factors such as biodegradation, dissipation, absorption by sorbent booms, and unpumpable sludge left in the tanks,” dagdag ng contracted salvor.
Dagdag pa ng Incident Command Post, natapos din ng Harbor Star ang huling stripping operations sa barko upang matiyak na wala nang laman ang mga cargo oil tank at hindi na magkaroon pa ng contamination.
Ililipat naman ang MTKR Terranova sa mas ligtas na lugar upang maiwasan ang posibleng negatibong epekto sa kapaligiran at matiyak ang kaligtasan ng kabuhayan ng mga mangingisda sa lugar ayon sa Bataan LGU.