Sin tax champion Sen. Pia Cayetano, isinulong ang kahalagahan ng dagdag pondo sa healthcare sa pagdiriwang ng Breast Cancer Awareness Month
Nagbahagi ng kanyang saloobin at karanasan si Senadora Pia S. Cayetano sa ginanap na Breast Cancer Awareness Seminar sa Muntinlupa ngayong araw na dinaluhan ng mga healthcare workers, breast cancer survivors, at iba pang mga advocates.
Sa kanyang talumpati, nagpasalamat ang Senadora sa mga healthcare workers at kinilala ang kanilang mahalagang papel laban sa breast cancer. Nakisimpatiya din siya sa mga naulila nang dahil sa cancer, at inalala ang laban ng kanyang ama, ang yumaong Senador Rene Cayetano, sa liver cancer.
“Kami po ay nag-survive dahil sa malasakit ng mga health workers na nakapaligid sa tatay namin,” kwento ng Senadora.
Si Senadora Pia Cayetano ang nagpanukala at naghain ng Sin Tax law, na naglalayong patawan ng buwis ang mga produkto tulad ng sigarlyo at vapes para maiwasan ang pagkalulong dito lalo na sa mga kabataan. Ang buwis na nalilikom mula sa Sin Tax ay ginagamit para sa pagtatayo at pagpapalawig ng mga health facilities tulad ng Super Health Centers at mga Ospital; mga kagamitan tulad ng mammogram units, Magnetic Resonance Imaging (MRI) Machines, at CT Scan; pati na ang medical assistance para sa mga pasyenteng nangangailangan ng tulong. Sa taong ito ay nakapaglaan na ng mahigit kumulang P184 Bilyon mula sa Sin Tax na ilalaan para sa mga programang pangkalusugan.
“Kaya dapat talaga ang national government tumutulong sa lahat ng local government because may pondo na panggastos,” ani Cayetano, na ipinaliwanag din ang kahalagahan nito lalo na sa mga programang pangkalusugan ng mga lokal na pamahalaan.
Ang Seminar ay pinangunahan ng Lokal na Pamahalaan ng Muntinlupa sa ilalim ni Mayor Ruffy Biazon, katuwang ang Metro Manila Mayors Spouses Foundation, at ICanServe Foundation.