SFELAPCO, telcos at iba pang utility providers, nagkaisa sa pagtatanggal ng spaghetti wires
Malaking tulong daw ang mga telecommunication company o telco at iba pang utility provider sa isinagawang city-wide operation para tanggalin ang spaghetti wires o buhol-buhol na mga kable na lubhang mangapanib sa publiko.

Ayon sa San Fernando Electric Light and Power Company o SFELAPCO, hangad ng inisyatibang ito na protektahan ang mga linya ng kuryente kasabay ng pagpapalakas ng mga serbisyong hatid ng internet connections, cable television at telepono.
Isinagawa ang sistematikong pagbaklas ng mga linemen at tauhan ng mga telcos sa mga nakalaylay, buhol-buhol at hindi na gumaganang mga kable na posibleng magbunga ng disgrasya sa mga dumaraan na tao at motorista bukod pa sa pabigat sa mga poste.

Sinabi ni Atty. Catherine Rose Diaz, tagapagsalita ng SFELAPCO, na dahil sa pagtutulungan ay tiyak na ang serbisyo at ligtas pa ang mamamayan sa disgrasya na maaaring idulot ng spaghetti connections.
Nagpapasalamat daw ang mga residente at mga negosyante sa hakbangin dahil hindi na raw sila ngayon nangangamba sa mga spaghetti connection na matagal nang problema sa ilang lugar sa siyudad.
Nakiisa sa programang ito ang PLDT/Smart, Converge ICT, Dito, Globe, CV Access, Eastern, Infinivan, Radius, Robcom, RTDS, at Source Telecom, na pinasasalamatan ng SFELAPCO sa kanilang kolaborasyon at kooperasyon.

Asahan daw na magpapatuloy ang inisyatiba hanggang matanggal na ang lahat ng inirereklamong mga kable.
Hinihikayat naman ng mga otoridad ang mga pribadong establisyemento na regular na i-check at tanggalin ang mga koneksyon na hindi na ginagamit.
Hinimok din ng SFELAPCO ang kanilang consumers na i-report sa lalong madaling panahon ang peligrosong nakalaylay at buhol-buhol na mga kable upang kaagad na marespondehan at matanggal. #