September 16, 1991: Ang pagtutol ng Senado sa presensya ng US military bases
Makasaysayang araw para sa bansang Pilipinas ang September 16, 1991 dahil sa desisyon ng Senado na wakasan ang proposed RP-US Treaty of Friendship, Cooperation and Security—isang kasunduan na nagbibigay sa Estados Unidos ng karagdagang 10 taong presensya sa Subic Naval Base.
Ang Subic noon ay isa sa mga pinakamalaking US military base sa Asya kung saan nanirahan ang higit sa 7,000 Amerikanong servicemen at civilian workers. Kabilang din sa iba pang US military bases noong 1991 ang Clark Air Base sa Pampanga, na dating tinatawag na Fort Stotsenberg, at ang Camp John Hay sa Baguio City.
Sa boto na 12-11, nagpasya ang Senado na hindi na i-renew ang RP-US Military Bases Agreement.
Kinilala ang mga senador na bumoto laban sa kasunduan bilang “Magnificent 12”. Kabilang sa mga ito si dating Senate President Jovito Salonga, at sina Senator Juan Ponce Enrile, Agapito Aquino, Joseph Estrada, Teofisto Guingona Jr., Sotero Laurel, Orlando Mercado, Ernesto Maceda, Aquilino Pimentel Jr., Victor Ziga, Rene Saguisag, at Wigberto Tañada, na siyang may-akda ng Resolution 1259 of Non-Concurrence sa proposed treaty.
Ayon kay Prof. Roland Simbulan ng University of the Philippines at Vice-Chairperson ng Center for Peoples Empowerment in Governance (CENPEG), nagsimula ang US Military Bases Agreement noong 1947 kung saan pinahintulutan ang Estados Unidos na magtatag at magpatakbo ng mga baseng panghimpapawid at pandagat sa Pilipinas sa loob ng 99 na taon.
Noong 1966, nagkaroon ng amendment sa kasunduan na layong bawasan ang leasehold contract at gawing 25 taon na lamang. Bunsod nito, binago ang petsa ng leasehold termination mula 2046 hanggang 1991 na may option para sa renewal.
Taong 1991 nang iminungkahi ang RP-US Treaty of Friendship, Cooperation and Security na magpapalawig sa presensya ng militar ng US sa bansa sa loob ng sampung taon.
Pero dahil sa pagtutol ng mga senador, pormal nang ibinalik ng gobyerno ng US ang Clark Air Base sa gobyerno ng Pilipinas noong November 26, 1991. Pagkatapos nito, na-deactivate na rin ang Subic Bay Naval Base noong 1992, habang ang iba pang mga base ng US ay inalis na rin bilang hudyat ng pagtatapos ng presensya ng militar ng US sa Pilipinas.
Sources:
Senate P.S. Resolution No. 312, Resolution Expressing the Sense of the Senate for the President to Reconsider His Plan to Unilaterally Withdraw From the Visiting Forces Agreement with the United States of America.
Asian Studies Center. Backgrounder. The Key Role of the U.S. Bases in the Philippines. National Intelligence Council.