Senatorial bid nina Camille Villar at Imee Marcos, suportado ni VP Sara
Pormal nang inendorso ni Vice President Sara Duterte sina senatorial candidate Las Piñas Representative Camille Villar at reelectionist Imee Marcos para sa May 12 Elections.
Kasama ang dalawa sa mga susuportahan ni VP Sara ngayong halalan, kabilang ang 10 senatorial candidates sa ilalim ng partidong PDP-Laban ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.


Ayon kay VP Sara, mayroon daw kasing common vision sina Sen. Imee at Rep. Camille at ang 10 iba pang senador na makatutulong para sa pag-unlad ng Pilipinas. Dagdag pa, sapat na umano ito upang buwagin ang political division sa bansa.
Samantala, bahagi rin ang dalawa ng 12 senatorial slate na inendorso ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa ilalim ng partidong Alyansa para sa Bagong Pilipinas. Subalit, una nang kumalas sa partido ang kapatid nitong si Imee isang buwan na ang nakalilipas dahil sa umano’y magkaiba nilang prinsipyo at paninindigan. Habang si Villar naman ay nananatili pa rin sa hanay ng Pangulo.
Magugunitang tumindi ang bangayan sa pagitan ng dating magkaalyado na sina PBBM at VP Sara nang makipatulungan ang kasalukuyang administrasyon sa Interpol para sa pag-aresto kay ex-President Duterte dahil sa kasong crimes against humanity na inihain ng International Criminal Court (ICC). #