Senator Pia Cayetano, naghain ng kandidatura; ipinahayag ang panata sa kababaihan at kabataan
Pormal nang naghain si Senator Pia S. Cayetano ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) for reelection noong Linggo (October 6, 2024) matapos magbisikleta kasama ang may 150 siklista. Kasama rin ng Senadora ang kanyang bunsong anak na si Lucas.
Nang tanungin kung bakit niya piniling magbisikleta, ipinaliwanag ng Senadora na ito ay simbolo ng kanyang “lakas ng atleta at puso ng ina”. Ibinahagi rin ni Cayetano na “gamit ang karanasan bilang abogada at mambabatas, mabibigyang boses ang iba’t ibang sektor ng lipunan.”
Noong 2019, si Senadora Cayetano, suot ang skort (skirt-shorts), ay nagbisikleta rin upang maghain ng kanyang COC sa Commission on Elections (Comelec) Office sa Intramuros. Ipinaliwanag niya na ito ay pagkilala sa mga kababaihang gumaganap ng iba’t ibang papel sa lipunan ngayon at bahagi ng kanyang adbokasiya para sa sustainable transportation.
Sa kabila ng kanyang pamumuno sa Senate Blue Ribbon at Energy Committees, nananatiling matatag ang pangako ni Senadora Cayetano sa pagprotekta at pagpapaunlad ng kapakanan at karapatan ng mga kababaihan at kabataan. Siya ang may-akda ng mahahalagang batas tulad ng Responsible Parenthood and Reproductive Health Act ng 2012 na nagsulong sa pagbibigay ng access sa contraception, impormasyon tungkol sa family planning, at reproductive healthcare, at ang Expanded Maternity Leave Act na nagbibigay ng 105 araw na paid maternity leave sa lahat ng kwalipikadong kababaihan, dagdag pa ang 15 draw para sa mga solo parent. Ang kanyang mga panukalang batas ay laging nakaugat sa kanyang personal na karanasan bilang ina at babae sa lipunan.
Ipinaglaban din ni Senadora Cayetano ang mga batas na kumikilala sa mga ina bilang pangunahing tagapag-alaga at tumutugon sa kadalasang hindi napapansing isyu ng hindi bayad na trabaho ng kababaihan sa tahanan. Naging daan din siya sa pagpasa ng mga batas tulad ng Expanded Breastfeeding Promotion Act na sumusuporta sa mga ina sa pagbabalanse ng kanilang mga propesyonal at pampamilyang responsibilidad.
Ipinaliwanag ng Senadora na bilang isang ina, mas naiintindihan niya ang mga hamon at kahalagahan ng mga ina sa kapakanan ng kanilang mga pamilya at komunidad. Ito aniya ang nagsisilbing inspirasyon sa kanyang gawain bilang mambabatas.
Nangunguna rin si Senadora Cayetano sa mga inisyatiba upang protektahan ang mga bata at tiyakin ang kanilang paglaki at pag-unlad mula sa murang edad. Isinusulong niya ang mas mahigpit na regulasyon ng mga addictive tobacco at vape products upang maprotektahan ang kalusugan ng mga kabataan, pati na ang pagbibigay tuon sa early childhood education.
Ipinahayag ni Senadora Cayetano na “In my two decades as a public servant, I have advocated for different causes including women’s and children’s rights, health, and education. As a mother, a woman, a lawyer, an athlete — my vast experience allowed me to have a wider perspective, and become a voice for different sectors.”
Sa labas ng kanyang gawain sa lehislatura, ipinagpapatuloy ni Senadora Cayetano ang kanyang adbokasiya sa pamamagitan ng Pinay In Action (PIA) na kanyang itinatag bago pa man pumasok sa pulitika. Ang PIA ay nagsasagawa ng mga seminar para sa mga ina at healthcare workers, nag-oorganisa ng grassroots sports clinics at tournaments, at sumusuporta sa mga batang may special needs.
Sa kanyang paghahangad na muling mahalal, muling pinagtibay ni Senadora Cayetano ang kanyang dedikasyon sa paglikha ng mas magandang kinabukasan para sa mga pamilyang Pilipino, lalo na para sa kababaihan at kabataan.
“Every piece of legislation, every program we implement, is a step towards a more equitable and nurturing society for our women and children,” pagtatapos niya.
Umaabot sa halos dalawang dekada ang track record ni Senadora Cayetano sa serbisyo publiko kung saan siya ay nanguna sa pagpasa ng mahahalagang batas sa larangan ng pangangalagang pangkalusugan, edukasyon, at pag-unlad ng ekonomiya. Sa kanyang muling pagtakbo sa darating na halalan, layunin niyang ipagpatuloy ang pagsusulong ng sustainable na pag-unlad, pinabuting access sa healthcare, dekalidad na edukasyon, at mga patakarang sumusuporta sa kababaihan at nangangalaga sa kabataan. #