Senado, hinimok na amyendahan ang Rice Tariffication Law
Umapela si Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel sa Senado na rebisahin ang mga umiiral na batas na umano’y nagpapahina sa sektor ng agrikultura at sabay na suportahan ang dagdag na investments para sa modernisasyon ng produksyon sa bansa.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, sinabi ng kalihim na nawalan ng kapangyarihan ang DA na kontrolin ang supply at presyo ng pagkain dahil sa pagpapatupad ng Rice Tariffication Law (RTL) at ng Local Government Code. Ayon sa kanya, imbes na reporma, nagiging banta ang RTL sa seguridad sa pagkain at kinakailangan ng mas malawak na modernisasyon sa agrikultura.
Ibinunyag din ni Laurel na aabot sa higit ₱1 trillion ang kinakailangang pondo para sa irigasyon ng isang milyong ektarya ng lupang sakahan. Kung hindi ito masosolusyunan, posible umanong manatiling nakaasa ang bansa sa importasyon ng bigas at iba pang pangunahing pagkain.
Sa kabila nito, binanggit ng kalihim ang ilang positibong hakbang ng ahensya tulad ng halos napupunong mga bodega ng NFA, pagtatayo ng Virology Center sa Central Luzon, at ang nalalapit na pagbubukas ng real-time command center para sa market data. Kabilang din dito ang suporta mula sa international partners gaya ng agricultural machinery complex ng South Korea at farm-to-market bridges ng France.
Samantala, iginiit ni Senador Francis Pangilinan, chairman ng komite, na hindi lamang nakatuon ang pagdinig sa pagbaba ng presyo ng pagkain kundi pati na rin sa pagtukoy sa mga dapat managot sa patuloy na pagtaas ng presyo at talamak na smuggling operations. Ipinaalala rin niya na una nang inirekomenda ng Senado ang mas mahigpit na inter-agency coordination, digitalization ng proseso, at blacklisting ng mga paulit-ulit na lumalabag sa batas. #
