Sen. Hontiveros, hinimok ang Palasyo na ipatigil ang ‘marine reserve plan’ ng China sa Bajo de Masinloc

Nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa Malacañang na agad ipatawag ang ambassador ng China at igiit na itigil ang anumang plano ng Beijing na magtayo ng tinatawag na “marine nature reserve” sa Bajo de Masinloc, Zambales.
Aniya, desperado at iligal ang naturang hakbang na layong gawing permanente ang pananatili ng Tsina sa teritoryo ng Pilipinas.
Isa raw malaking kabalintunaan ang plano ng Beijing na magtayo ng nature reserve, dahil ilang ulit na umanong winasak ng China ang marine ecosystem para makapagtayo ng artificial islands at military facilities.
Binigyang-diin ng mambabatas na sa loob ng maraming henerasyon, umaasa ang mga Pilipinong mangingisda sa yamang dagat ng Bajo de Masinloc, pero ngayon ay hindi na sila makalapit dahil sa presensya ng Tsina.
Kaugnay nito, inihain niya ang Proposed Senate Resolution No. 85 na nananawagan sa Malacañang na obligahin ang China na magbayad ng mahigit ₱300 billion bilang reparasyon o danyos sa pinsalang idinulot nito sa likas na yaman ng bansa.
Dapat umanong aksyunan agad ito ng Palasyo, alang-alang sa mga mangingisda. Aniya, kailangang tiyakin ng pamahalaan na mananatili silang may access sa kanilang traditional fishing grounds.
Mainam rin daw kung mas palalakasin ang presensya ng mga otoridad na nagpapatrolya sa karagatan. Sa ganitong paraan, mababantayan ng husto ang galaw ng mga Chinese vessel at may suportang nakaabang para sa mga bangkang pangisda ng Pilipinas.
Ipinaalala rin ni Hontiveros ang 2016 arbitral ruling na nagpapatibay sa karapatan ng Pilipinas sa loob ng exclusive economic zone, at hinamon ang Pangulo na panindigan ang pangako nitong hindi isusuko ang teritoryo ng bansa.
“Our government must pull out all the stops. The President has repeatedly said that the Philippines will not cede one inch of our territory. Singilin natin sya sa pangakong yan. Patunayan niyang wala tayong isusukong teritoryo ng bansa.” giit ni Hontiveros. #
