Sen. Bato Dela Rosa, nagtatago sa Pampanga: Ombudsman Remulla
Posibleng sa Pampanga raw ngayon namamalagi si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla.
Ani Remulla, paminsan-minsan umano ay mino-monitor nila ang kinaroroonan ng Senador na halos isang buwan nang hindi dumadalo sa mga sesyon ng Senado simula pa noong Nobyembre.
Inihayag niya na may umiiral na arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng umano’y partisipasyon ni Dela Rosa sa extrajudicial killings noong panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi rin niya ibinunyag ang detalye kung paano ipatutupad ang warrant at binigyang-diin na may mga impormasyong hindi pwedeng isiwalat habang hindi pa naisasakatuparan ang aksyon.
Samantala, sinabi naman ng Department of Justice, Department of Foreign Affairs, at Department of the Interior and Local Government na wala pa silang opisyal na natatanggap na kopya ng nasabing warrant mula sa ICC. Wala rin umanong inilabas na red notice ang Interpol laban kay Dela Rosa kaya nananatiling limitado ang opisyal na impormasyon tungkol sa kaso.
Sa kabilang panig, iginiit naman ni dating presidential spokesperson Harry Roque na lumabas na ang ICC warrant of arrest laban sa Senador. Ayon kay Roque, nagsumite rin siya ng liham sa Interpol upang tanggihan ang kahilingan ng gobyerno ng Pilipinas na maglabas ng red notice laban sa kanya.
Sa ngayon, patuloy na binabantayan ng mga otoridad ang galaw ni Dela Rosa, habang nananatiling hindi malinaw kung paano at kailan ipatutupad ang warrant. #
