Sekyu na nagnakaw sa binabantayang bangko, arestado ng Zambales PNP
Arestado ng mga operatiba ng Sta. Cruz at Iba Police ang security guard na itinuturong nasa likod ng pagnanakaw sa isang bangko sa Iba, Zambales matapos itong magtago sa isang bar sa Brgy. Pagatpat.

Unang iniulat ng bank manager ang insidente kung saan nanutok umano ng baril ang suspek at nagdeklara ng holdap habang naka-duty at tinangay ang higit ₱670,000 at isang cellphone.
Matapos ang holdap, pumara umano ang suspek ng isang tricycle at tumakas. Kalauna’y inagaw rin nito mula sa driver ang sasakyan bago iwan sa isang gasolinahan sa Iba.
Natunton ang lokasyon ng suspek matapos magsumbong ang isang waiter na may armadong lalaki sa kanilang establisyimento, dahilan para agad siyang madakip ng mga pulis.
Na-recover mula sa kanya ang isang .38 caliber na baril, isang granada, shabu, at pera. Nahaharap siya sa mga kasong robbery, carnapping, at paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. #
