Seguridad sa dagat, mas pinagtibay sa 8th Bilateral Maritime Exercise ng Pilipinas at U.S.

Sabay na naglayag ang pwersa ng Pilipinas at Estados Unidos sa mga karagatang sakop ng West Philippine Sea bilang bahagi ng kanilang 8th bilateral Maritime Cooperative Activity (MCA).
Isinagawa ito sa Palauig, Zambales hanggang Cabra Island, Occidental Mindoro nitong Miyerkules, July 16.
Lumahok sa aktibidad ang iba’t ibang unit mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Navy, at Philippine Coast Guard (PCG), kabilang na ang BRP Miguel Malvar, mga air assets, at dalawang patrol vessels ng PCG.

Kasama rin sa operasyon ang U.S. Indo-Pacific Command gamit ang USS Curtis Wilbur at isang P-8A Poseidon maritime patrol aircraft
Kabilang sa mga isinagawa ang Communications Exercise, Maritime Domain Awareness, at Visit, Board, Search, and Seizure (VBSS) na layuning palakasin ang koordinasyon at law enforcement capabilities ng dalawang bansa sa dagat.
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., patunay ang nasabing aktibidad sa patuloy na pagkakaisa ng Pilipinas at Amerika sa pagsusulong ng malayang paglalayag, seguridad, at katatagan sa Indo-Pacific region. #
