Scottie Thompson, gumawa ng kasaysayan sa semis ng PBA Philippine Cup
Umarangkada ang Barangay Ginebra San Miguel sa likod ng dominanteng laro ni Scottie Thompson kontra San Miguel Beermen sa Game 4 ng PBA Philippine Cup semifinals nitong Linggo, January 11.
Pinabagsak ng Gin Kings ang Beermen sa score na 105-91 at naitabla ang kanilang best-of-seven series sa 2-2.
Naitala ni Thompson ang kanyang career-high performance na 35 points. Dahil dito, siya ang naging kauna-unahang local player na nakapagtala ng 30-point triple-double makalipas ang 33 taon.
Sinundan niya si Johnny Abarrientos ng Alaska na umiskor ng 30 points, 15 rebounds, at 14 assists sa kabila ng pagkatalo laban sa Swift noong 1993 All-Filipino Conference.
Maaga mang humarurot ang San Miguel at kinontrol ang 1st quarter, mabilis namang nag-adjust ang Ginebra gamit ang mas agresibong depensa at mabilis na transition na nagbalik sa kanila sa laro bago mag-half.
Nagpalitan ng matitibay na opensa ang dalawang koponan sa 3rd quarter. Subalit sa pagsapit ng 4th quarter, binasag ng Gin Kings ang depensa ng Beermen. Pinangunahan ni Thompson ang sunod-sunod na tres at drives at tuluyang inangkin ng Gin Kings ang laban.
Sa gitna ng hiyawan ng crowd, unti-unting lumayo ang Ginebra sa iskor hanggang hindi na makahabol ang Beermen, na nahirapang pumigil sa mabilis na inside attack ng kalaban.
Kasunod nito, muling magbabanggaan ang dalawang koponan sa Game 5 ng kompetisyon na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum ngayong Miyerkules, January 14. #
