Sapat ang kuryente at langis para sa mga bibiyahe ngayong Semana Santa: DOE
By Nicodemy Yumul, CLTV36 News intern
Tiniyak ng Department of Energy (DOE) ang kahandaan ng sektor ng enerhiya sa inaasahang pagdagsa ng biyahero ngayong Semana Santa upang masiguro ang ligtas at tuloy-tuloy na biyahe ng mga Pilipino.
Ayon kay Energy Secretary Raphael P.M. Lotilla, nakipag-ugnayan na ang DOE sa power generation companies, transmission operator, at distribution utilities upang mapanatiling matatag ang supply ng kuryente, lalo na sa mga pangunahing destinasyon ng mga turista. May mga nakahandang contingency plan sakaling tumaas ang demand o magkaroon ng aberya.
Inatasan din ang National Grid Corporation of the Philippines at electric cooperatives na magbantay sa kondisyon ng power system at agad na rumesponde kung may problema sa suplay ng kuryente.
Kasabay nito, tiniyak din ng DOE ang sapat na supply ng langis at maayos na operasyon ng mga gasolinahan sa mga expressway at pangunahing kalsada. Nangako ang mga oil company na magpapatupad ng extended service hours upang tugunan ang pagtaas ng demand.
Para naman sa mga gumagamit ng electric vehicle (EV), iniulat ng DOE na mayroong 962 public charging stations na aktibo sa buong bansa — karamihan ay nasa National Capital Region (NCR).
Hinikayat din ng DOE ang publiko na magsagawa ng energy efficiency measures sa bahay, tulad ng pag-unplug ng mga hindi ginagamit na appliances, paggamit ng natural lights, at paggamit ng aircon sa moderate temperature.
Para sa mga aalis nang matagal sa kanilang tahanan, pinapayuhan ang lahat na suriin ang mga saksakan at kable upang maiwasan ang sunog dulot ng electrical faults. #