San Simon Mayor JP Punsalan, bigong maaresto ng mga otoridad

Bigong maaresto ng mga otoridad si suspended Mayor Abundio “Jun” Punsalan, Jr. ng San Simon, Pampanga matapos ihain ang dalawang arrest warrant kaugnay ng kasong graft at malversation.
Nag–ugat ang reklamo sa umano’y ilegal na pagbili ng ₱45 million na lote noong 2023.
Ayon sa PNP, sinuyod ng mga operatiba ang mga kilalang tirahan ng alkalde sa San Simon at Metro Manila pero hindi nila siya natagpuan.
Inilabas ng Sandiganbayan First Division ang naturang warrant noong November 17. May piyansang ₱90,000 ang kasong graft, habang wala namang piyansa ang ikalawang kaso.
Nakasaad din sa warrant na may bisa na ang hold departure order laban kay Punsalan simula rin noong November 17.
Matatandaang sinuspinde ng Ombudsman si Punsalan ng anim na buwan simula noong Oktubre dahil sa grave misconduct. Kaugnay ito ng umano’y pag-apruba niya sa pagbili ng lupa nang walang pahintulot ng Sangguniang Bayan. Kasama niyang kinasuhan ang sinasabing may-ari ng lupa na si Jian Jebie Reyes Lim.
Bago ito, nauna na ring sinuspinde ng Pampanga Provincial Board ang alkalde dahil sa parehong isyu.
Noon namang Agosto, inaresto siya ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos masangkot sa umano’y pangingikil.
September 2 naman nang ipinag-utos ng Regional Trial Court (RTC) Branch 206 sa Muntinlupa City ang agarang pagpapalaya sa alkalde at anim na iba pa matapos paboran ang inihaing Petition for Habeas Corpus ng kanyang kampo. #
