Salary increase sa Central Luzon, epektibo na sa April 16
Epektibo na sa Huwebes, April 16, ang dagdag sahod para sa minimum wage earners sa Central Luzon.
Alinsunod ito sa Wage Order No. RBIII-26 ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) Region III kung saan ipatutupad na ang ikalawang tranche ng umento na nagkakahalaga ng ₱30 hanggang ₱40 kada araw.
Sa ilalim ng bagong wage structure, ang minimum na sahod sa non-agriculture sector sa mga lalawigan ng Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, at Zambales ay aabot na sa ₱600 kada araw. Nasa ₱570 naman para sa agriculture sector, habang ₱590 para sa retail at service sector.
Sa Aurora, itatakda ang minimum wage sa ₱560 para sa non-agriculture, ₱545 sa agriculture, at ₱515 sa retail at service sector.
Matatandaang unang ipinatupad ang unang tranche ng dagdag sahod noong October 30, 2025, na nagkakahalaga ng ₱20 hanggang ₱40 kada araw. Sa kabuuan, umaabot na sa ₱50 hanggang ₱80 ang kabuuang umento sa sahod ng mga manggagawa sa rehiyon.
Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Region 3 Regional Director Geraldine Panlilio, layunin ng wage increase na matulungan ang mga manggagawa na makasabay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. #
