Runway ng Basa Air Base sa Pampanga isasailalim sa rehabilitasyon, pasilidad gagamitin sa EDCA
Isang groundbreaking ceremony ang isinagawa ng Pilipinas at United States para sa Runway Rehabilitation Project ng Basa Air Base sa Floridablanca, Pampanga nitong Lunes, March 20.
Dumalo sa aktibidad sina Department of National Defense OIC Senior Undersecretary Carlito Galvez Jr. at US Air Force Secretary Frank Kendall III maging ang key officials ng US Air Force at US Embassy, kinatawan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ilang opisyal ng lokal na pamahalaan ng Pampanga, at iba pang stakeholders.
Sakop ng rehabilitasyon ang pag-aaspalto ng runway at runway overruns.
Layon ng nasabing upgrade na masiguro ang mas ligtas na take-off at landing ng aircrafts at iba pang operasyon sa himpilan ng eroplano.
Ayon kay Philippine Air Force Acting Commanding General Major General Ramon Guiang, gagamitin ang pasilidad hindi lamang para sa modernisasyon ng kapasidad para sa territorial defense kundi upang maisulong din ang ugnayan sa U.S. at epektibong makatugon sa mga isyung panseguridad sa rehiyon.
Kabilang ang Cesar Basa Air Base sa apat na karagdagang base na gagamitin sa Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA — isang serye ng military exercises sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas.