Rice varieties, tampok sa Hybrid Rice Harvest Derby sa CLSU

Tampok ang iba’t ibang uri ng hybrid rice sa isinagawang “Hybrid Rice Harvest Derby” sa Central Luzon State University (CLSU) nitong Biyernes, September 19.
Ito ay programang inorganisa ng pamantasan at ng Department of Agriculture Regional Field Office 3, katuwang ang Provincial Agriculturist Office ng Nueva Ecija.
Nasa halos 150 lokal na magsasaka mula sa 2nd District ng probinsya ang lumahok sa aktibidad.
Ibinida sa programa ang iba’t ibang hybrid rice varieties na maaaring maging gabay ng mga magsasaka sa pagpili ng kanilang itatanim sa susunod na cropping season.
Isang magsasaka mula sa Lupao ang nagsabing malaking tulong ang derby para makita kung aling uri ng palay ang mas mainam at mas kikita.
Nakibahagi rito ang iba’t ibang kilalang seed companies kabilang ang SeedWorks, SL Agritech, Bayer Crop Science, Syngenta, BioSeed, Leads Agri, at maging ang Philippine Rice Research Institute o PhilRice.
Dumalo sa programa ang mga opisyal ng CLSU at DA, kasama ang ilang provincial at regional agriculturists na nagpahayag ng suporta sa pagpapalakas ng rice production sa Central Luzon.
Sa kabuuan, nagbigay-daan ang nasabing derby upang madagdagan ang kaalaman ng mga lokal na magsasaka sa tamang pagpili ng binhi, na maaaring magbigay ng mas mataas na ani at kita sa kanilang kabuhayan. #
