Rice import ban, extended hanggang December 31, 2025

Sa gitna ng umiinit na usapin sa presyo ng palay at bigas, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pagpapalawig ng rice import ban sa bansa.
Layon nitong pigilan ang pagbulusok ng farmgate price ng palay at patatagin ang presyo nito sa merkado. Sa ilalim ng Executive Order 102, mananatiling suspendido hanggang Disyembre 31, 2025 ang pag-angkat ng regular at well-milled rice.
Bago ito, matatandaang natapos na ang 60-day rice import suspension ng pamahalaan sa ilalim ng Executive Order No. 93 na ipinatupad mula Setyembre 1 hanggang Oktubre 30, 2025.
Inatasan din ang Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), at Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) na magsagawa ng pagsusuri sa loob ng 30 days.
Maghaharap din sila ng rekomendasyon sa Pangulo kung dapat pa bang pahabain o paikliin ang suspensyon.
Nitong Oktubre, inilatag ng DA ang panukalang ipagbawal sa mga tanggapan ng gobyerno ang pagbili ng imported rice at pabilisin ang emergency procurement ng palay. Saklaw din nito ang pag-upa ng mga karagdagang bodega para sa imbakan ng bigas kung kakailanganin.
Kaugnay niyan, ipinatutupad na rin ang EO 101 na nag-uutos sa mga ahensya ng pamahalaan na direktang kumuha ng mga agricultural product mula sa accredited cooperatives upang masiguro ang patas na kita at mabawasan ang pagkalugi ng maliliit na magsasaka. #
